Isang Eulohiya: Pag-ibig, Paglisan at Pag-asa

Ika-pito ng Setyembre, araw ng linggo, ako'y lumingon mula sa aking kinauupuan. Sa likuran at dulong upuan ng simbahan ay may isang matandang babaeng matatagpuan. Ang ngalan niya'y Maxima Salacup Villahermosa at siya ay ang aking lola. Mula sa kanyang upuan siya’y tahimik na nanalangin, nagpuri, at nagpasalamat sa mga bagay na ibinigay ng Maykapal. Mapapansin na maliit lang ang kanyang katawan, hindi katangkaran, payat, nanghihina dahil sa mga taong nagdaan ngunit tila ito’y puno pa rin ng kasiglahan sa pagsimba at pananampalataya. Ang kanyang mga mata ay pumipikit sa tuwing mananalangin na tila taimtim na taimtim; Panalanging para sa mga pangalang pilit na rin lamang tandaan. Sa tuwing pagkatapos ng pagsimba, mula noong bata pa ako, lalapit sa lola para magmano at mangamusta. Sa araw na iyon, tulad ng mga ibang Linggo na nagdaan, ako ulit ay lumapit. “ ’La.” Dahan-dahang bigkas ko,” Mano po.” Inabot ko ang kanyang kanang kamay at ito’y inilapit at idinikit sa aking noo.

                Sa mukha niya’y kita ang pagtataka at isa lang ang ibig sabihin nito; Pilit niyang alalahanin kung sino ako. “ ‘La, kilala po ba ninyo ako?” aking nakangiting sinambit. “Oo naman, anong akala mo sa akin. Matanda na?", Sabay hampas sa aking kanang braso. "Si IJ po, anak ni Raldrin." "Ay, Oo." muling nagbalik ang kanyang mga ala-ala. "kamusta na ang pag-aaral mo?". Bigla kong naisip ang nagdaang mga taon at lahat ng maaaring mangyari sa susunod na limang buwan. Ako ay nasa pang-apat na taon na ng kursong pang-industriyang inhinyero at , sa nalalapit sa panahon, ako'y ipadadala ng aking paaralan sa ibang bansa upang mag-aral. 

"Mabuti naman po. Pupunta po ako ng Taiwan, 5 months po 'La. Mag-aaral po tapos ggraduate na po.", aking isinagot. "Mabuti yan. Pagbutihan mo ang pag-aaral mo." Madiin at tila ito na ang aking pang-ilang libong beses na narinig ito."Yan lamang ang kayamanan mo na madadala mo sa buhay mo." Inihanda ko na ang sarili sa susunod na tanong. "May sinisinta ka na ba?", naka-ngiting isinambit habang malumanay niyang binigkas ang tila paborito niyang tanong sa akin. "Mayroon po Lola! Ssshhh." Hagikhik at tawa ang sumalubong sabay hampas ulit sa aking kanang braso. Nakangiti at nagniningning ang mga mata sa katalinuhan habang binabanggit ang mga katagang, "Mag-aral muna iho. Mag-aral muna"

...

Kinabukasan, ako ay lumisan. Umalis ako upang mag-aral. Dumati ang Oktubre, at parang Intsik na nalugi, sinta'y nawalay ng walang pasabi. Sumunod ang Nobyembre, lumamig ngunit walang niyebe, ang mga iniisip ay ipinaisantabi. Sumapit ang Disyembre, akala ko iba na ang kalibre, "Pasko na, sinta ko..." ang bigkas ng mga labi. Lumipas na ang Enero, sa pagdaan ng panahon lahat daw ay nagbabago, wala ng oras sa paglalaro. Pebrero, malapit na naman ang araw ng mga puso, oras na para harapin kung ano ang totoo.

Limang buwan nga ang nakalipas at ako'y bumalik. Natapos ko ang aking pagsasanay sa trabaho at thesis. Natuto na rin magsalita ng wikang Intsik habang tinatapos ang mga ito. Natutong mamuhay mag-isa sa lugar ng mga dayuhan. Madami na ba akong natutunan? marami na rin bang karanasan? ngunit inihanda ba ako ng pag-aaral para sa kinabukasan? Nais ko ding bumalik sa buhay na na aking kinalakihan at kinasanayan. 

Ngayong araw, ika-walo ng Pebrero sa taong dalawang libo't labing lima, mula sa aking kinauupuan, muli akong lumingon. Bakante ang upuan ni Lola. Hindi dahil may sakit siya, o may pinuntahan o kaya nama'y sadya lamang inatake ng katamaran. Bakante ang upuan ni Lola sapagkat siya'y wala na. Tila sa pagkaikling panahon, maraming pwedeng mangyari at isa nga sa mga ito ay ang mga di inaasahang pagbabago: Wala na ang sinisinta, may kasama ng iba. Wala na rin ang lola, nasa langit na.

Sumibol ang mga inihasik na binhi ng katalinuhan, tama nga si lola; ang pag-aaral ay isang yaman, yamang pangmatagalan. Nawala man ang mga taong pinakamalapit sa aki'y nandito pa rin ang mga pinag-aralan buti na lang pinahalagahan. Sabi ng iba, sayang ang pagkabata sa kabataan. Siguro sa iba, ngunit hindi sa akin. Isang magandang halimbawa si Lola. Noon ang kasabihang,"Kabataan ang pag-asa ng bayan." ay nakaturo sa kanyang henerasyon. Hindi man siya nakapagtapos ngunit siya'y naging matalino, masipag at maagap na maipagtapos ang lahat ng kanyang mga anak. Itinaas ang sarili mula sa hirap at namuhay ng may kagalakan habang pinanunuod mamunga ang kanyang pinagsikapan. Yumao ba siya na ang mundong kanyang kinalakihan at kinasanayan ay nasa mas malalang kalagayan? Hindi. Tunay nga niyang nagampanan ang katotohanan sa kasabihan. 

Ngayo'y saking henerasyon naman nakaturo ang kasabihan. Tila ang wika ng lola ay mananatili sa puso at isipan.Salamat po, Lola. Salamat sa patuloy na paalala.

Opo, mag-aaral muna.

































 

Flickr Photostream

Twitter Updates

Meet The Author